Puto Kutsinta

POOooot… Poooooot…Pooot..!!!

“Puto kutsintaaa! Kustsintaaaa..putoooo…”  Isang umaga (pagitan ng alas nueve at alas diyes) narinig ko ang sigaw na ito habang nagsasagot ng exercises namin sa Animal Physiology. Bahagya akong sumilip sa bintana at nakita ko ang isang tao na noon ay nakapasok na sa gate ng aming boarding house. Naka-bike siya (with complete cyclist attire) at sa gawing likod nito ay may nakataling lalagyan ng panindang puto. Noon ay nasa labas ang mga ka-boardmate kong sina Kiko, Joel, Lito, Alfred at Clifford.

Balik ako sa ginagawa ko ngunit maya maya lamang ay nakuha ang atensiyon ko ng isang tinig “Pangarap ko’y di maabot…dahil sa bawal na gamot… “ Sigawan ang mga ka-boardmate ko. Naging interesado ako sa narinig ko kaya naman sumilip uli ako sa bintana. Aba ‘yong tao na pumasok kani-kanila lang. Hawak ‘yong gitara ni Clifford at todo bigay sa pagkanta. Gusto kong lumabas pero hindi naman ako bibili ng tinda niyang puto (tipid mode) kaya nagkasya nalang ako sa pagsilip sa bintana.

Sumunod na umaga, masaya kaming nagku-kwentuhan ng mga ka-boardmate ko nang: POOooot… Poooooot…Pooot..!!!  “Puto kutsintaaa! Kustsintaaaa..putoooo…” . Dahil nakabukas ‘yong gate namin ay dumeretso na ito sa loob at ipinarada ang kanyang bisekleta malapit sa amin. “Kumusta ba mga kaibigan? Narito uli si Danny Boy Puto. Kumain muna kayo ng puto kutsinta ko” bungad niya (todo ngiti pa sya). Bumili si Joel at isa-isa kaming inabutan nito (haay..salamat may nanlibre).

“Danny Boy, tumugtog ka nga naman uli,” hiling ni Clifford at iniabot nito ang kanyang gitara. Inabot naman niya ito at agad tumugtog matapos testingin ang timpla ng gitara. Tuwang tuwa kami sa panonood sa kanya. Ang galling niyang gumitara! May mga pagkakataon pang inilalagay niya ito sa likod habang patuloy sa pagtipa. Pansamantalang nag-pose ito at nagsalita “mga kaibigan, ito po si Danny Boy Puto, tugtugan na!” pinaikot-ikot nito ang ginatara, pinalusot sa may hita. Pinaikot sa kamay at itinaas ito. Napa-wow ako pero napansin ko si Clifford na iba ang tingin sa kanyang gitara. Siguro’y natakot siya na baka bumagsak at mabasag ito (mahirap na!). Bago umalis, siguro ay nakatatlong kanta pa ito kaya naman aliw na aliw kami.

Minsan, mag-isa lang ako sa boarding house.

“Puto kutsintaaa! Kustsintaaaa..putoooo…”

“Naku, si Danny Boy yun ah,” bagaman wala akong planong bumili ng tinda niya lumabas parin ako.

“Kaibigan, wala ba sila Kiko?” tanong niya

“Wala eh. May klase. Ako lang nandito.” sagot ko

“Ganun ba?” parang nanamlay ito. Inaalis ang kanyang shades at naupo sa tabi ko. Napatingin ako sa kanya. Pawisan ito. “Sandali lang” napatakbo ako sa loob para kunin yong pitsel ng tubig na may yelo sa room namin.

“:Kaibigan, uminom ka muna”, alok ko sa kanya at iniabot ang isang basong puno ng malamig na tubig.

“Naku, salamat kaibigan! Ako nga pala si Danny..Danny Boy Puto kung tawagin nila”

“Eli” maiksi lang ang sagot ko. Kinamayan n’ya ako.

“Kaibigan, patambay muna ako dito ha.” paalam niya habang iniikot-ikot ang hawak na baso sa kanyang kamay. Tumango lang ako. Pansamantalang nagkaroon ng katahimikan sa pagitan namin. Nagpupunas siya ng pawis habang nakaupo at ako naman nakikiramdam lang sa kanya.

“Alam mo kaibigan,  minsan nakakapagod din” siya ang unang nagsalita at dahil dun ay inulan ko na siya ng sunod-sunod na tanong. Tuwang tuwa naman ako sa mga sagot niya. Malalim..hindi ko akalaing si Danny Boy Puto ang kausap ko.

“Ganito talaga ang buhay eh. Mahirap pero kailangang laging lumaban. Kailangang laging lumaban upang sa ganun eh hindi matalo ng kawalang pag-asa at maigupo nito. Kailangang makipagkarera para hindi maiwanan sa pansitan. Maswerte ka kaibigan at nakakapag-aral ka”. Masyado akong namangha sa mga narinig ko sa kanya kaya naman lalo akong naging interesadong makinig sa mga sasabihin pa niya. Marami akong narinig sa kanya. Iba’t ibang klase ng kwento at mga positibong pananaw sa buhay.

Bahagya siyang sumandal sa pader, nagbuntong hininga at, “alam mo kaibigan, noong una, nasasaktan ako kapag tinatawag akong Danny Boy Puto. Pero nasanay na ako… sa pangalang ito na rin ako nakilala ng marami eh”.

“Belib nga ako sa ‘yo eh. Ang galing mong gumitara at saka kumanta. Napapasaya mo ang mga nanonood sa iyo”. ‘diko alam kung binolola ko lang siya nun. “Kaibigan, alam mo kahit ganito lang akong madaling utuin at madalas mapagkamalang maluwag ang tornilyo…masaya ako kapag nakakapagpasaya ako ng tao. Sa pagpapasaya, pantay-pantay ang tao. Mahirap man o mayaman, nakapag-aral o hindi lahat tayo pwedeng makapagpangiti ng kapwa natin” paliwanag niya at ilang saglit lang ay tumayo na siya. Isinuot ang kanyang shades at sumakay na sa kanyang bisekleta. “Paalam kaibigan, babalik ako. Salamat…” sigaw niya bago tuluyang makalayo.

Hindi araw-araw dumadaan si Danny Boy para magtinda ng puto sa boarding house namin. May iba-ibang ruta daw kase siya at hindi inaaraw-araw ang mga suki niya para hindi magsawa sa puto niya.

Minsan, napadaan uli si Danny. Papasok pa lamang siya ng gate ay tanaw ko na siya mula sa bintana. Naroon sa labas sina Kiko, Joel, Clifford at iba pang ka-boardmate namin. Lumabas din ako..hindi para bumili kundi para panoorin uli ang pagtugtog niya ng gitara. “Kaibigan, nandiyan ka pala”. salubong niya sa akin. Tumango lang ako at umupo sa tabi ni Clifford.

Iniabot na ni Clifford ‘yong gitara niya Kay Danny Boy. Inabot nga ito, puumewesto at tinimpla muna ang ginara..

Tumugtog uli siya. Pinaikot-ikot ang gitara..at sinamahan pa ng adlib “mga kaibigan, ito po si Danny Boy Puto, kung ako man po’y may pagkukulang, bahala na kayong magdagdag pero kung sobra naman po sana’y wag n’yo nang babawasan”. Sinundan pa ito ng ngiting animo’y nakakaloko. Hiyawan ang kami at talaga namang aliw na aliw sa bawat pagtipa nya sa gitara.

“Bago ako umalis, gusto kong ihandog ang awiting ito sa aking kaibigan na si Eli” sabi niya sabay tango sa akin. Patay malisya epek lang ang eli.

Bawat yugto ng sandali

Halos ‘diko alam,

Naglalakbay ang diwa

Sa ligayang nakamtam….

…Pangarap ko’y di maabot

dahil sa bawal na gamot.

Pagkatapos ng awiting ito nag-bow siya at dali-dali nang umalis. At muli sumigaw sya bago tuluyang makaalis “Salamat mga kaibigan.. Eli, kaibigan, babalik ako!”

Laging ganun ang naging eksena sa tuwing madadaan si Danny. Mabilis na dumarating…mabilis ding umaalis.

Isang araw..napansin ko nalang na hindi dumadaan ng boarding house si Bespren Danny. Hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa kanya. Ilang araw ko siyang inaabang-abangan pero hindi siya dumadating para magtinda ng puto kutsinta.

Minsan papauwi ako ng boarding house. Bago ako tumawid ng kalsada, may narinig akong tinig, “Bespren, kumusta? Bukas dadaan ako sa inyo!” lumingon ako  at nakita ko si Bespren Danny. Kinabukasan, nagpunta nga siya at naikwento na nagkasakit ito kaya nawala ng ilang araw. Hindi ko rin alam kung kelan niya akong unang tinawag na bespren. Basta alam ko namulat nalang ako ng bespren ang tawag niya sa akin. May mga pagkakataon din na kahit dindi dun ang ruta niya ay dumadaan siya sa amin bago umuwi.

Lumipas ang mga araw.. naka-graduate na ako. Umalis na ako sa CLSU kayat hindi na kami uli nagkita pa ni Bespren Danny…si Bespren Danny ang bespren na hindi ko alam kung bakit ko naging bespren. Siguro hindi nga ‘yong tunay na kahulugan ng salitang iyon ang naging pagkakabigan namin. Sabihin nating sa tawag lang kami naging mag-bespren. Pero kahit na ganun masasabi kong marami akong natutunan sa kanya nang minsang makakwentuhan ko siya.

Lumipas pa ang mga araw. Minsan pauwi ako sa amin. At dahil sa naging bahagi ng buhay at karanasan ko ang CLSU, hindi maiiwasang hindi ako lumingon sa main gate nito tuwing mapapadaan ako. Nakasakay ako sa bus noon nang paglingon ko sa main gate ng clsu ay nakita ko si Bespren Danny. Mabilis ang padyak nito sa kanyang bisekleta (naka-shades at naka-cyclist attire parin) at animo’y nakikipagkarera sa mga sasakyang naroon habang papalabas ng gate. Gusto ko siyang tawagin pero alam kong hindi niya ako maririnig. Napangiti nalang ako at nasabi sa sarili ko, “si bespren Danny, patuloy parin sa pakikipaglaban sa hamon ng buhay. Walang kapagurang pupamadyak… walang kapagurang umaasa’t pilit paring hinahabol ang animo’y mailap na kapalaran.

Taong 2003 noong huli ko siyang makita. Madalas din akong dumadalaw sa clsu pero hindi ko na siya nakita at wala narin akong balita pa sa kanya.  Sa ngayon, hindi ko alam kung nagtitinda parin siya ng puto kutsinta. Hindi narin mahalaga sa akin kung naaalala pa niya ako o hindi na. Ang mahalaga, minsan napangiti at natuto ako sa kanya.

.

————–

Anong Meron sa Pebrero?

1. 2nd Year Blogoversary ng Blographics (2nd week ng Feb)

2. Birthday ng author ng blog na ito

3. Itinakda ng NCCA ang buwan ng pebrero bilang NATIONAL ARTS MONTH

4. Valentines Day

5. 28 Anniversary ng Artist Club (SM), Inc.

28 thoughts on “Puto Kutsinta

  1. kaya naman special ang post mo…marami kang inaabangan this feb…
    may naalala ako sa kwento mo, kaso taga tinda ng taho at hotcake ang mga naging kaibigan ko, di ako kumakain ng taho pero ako ang naging kaibigan nila… ako lang kasi ang madalas nilang kakwentohan pag dumarating sila sa dorm, kahit di bumibili, reyna naman ako sa kwento kaya, napapahaba ang pagtambay nila sa dorm…hehe

    wow! punong-puno ng emosyon ang kwento mo, your bespren once been part in making who you are right now… gandang araw at Godbless.

    • oo special ang Pebrero para sa akin.

      sa totoo lang, meron pa akong naging kaibigang magbabakal bote. hehe. wala lang. gusto kong pakinggan ang kwento nila eh. gusto ko silang marinig.

      salamat kaibigan.

  2. wow, isang balik tanaw na entry. lahat tayo may kanya kanyang kwento ng buhay na pinagdaanan, at pwde nating ma ishare dito sa blog, salamat sa pag share nyan, sarap balikan ung mga nakaraan at tignan kung ano na ang buhay ngayon, ang pagkakaiba, ang pagbabago…

    marami din akong naalalang mga kaibigan dahil dito sa post mo. mga kaibigang naging parte nadin ng buhay estudyante. saan na nga din kaya sila ngayon…

    eli salamat uli! kahit mahaba ‘tong post binasa ko..

    “Hindi ko rin alam kung kelan niya akong unang tinawag na bespren. Basta alam ko namulat nalang ako ng bespren ang tawag niya sa akin.”

    masarap ang pakiramdam na magkaroon ng mga kaibigan na lubos ang pagpapahalaga.. maaaring ganun sayo si danny.. kaya masasabi kong swerte ni eli!

    o ano?, kantahaannn naa!!

    • bon, oo masarap ngang balikan. lalo na yong masasayang bahagi. ‘yang mga kaibigang nabanggit ko dyan, hindi ko na mahagilap kahit sa FB o friendster. ewan ko kung saan na sila nagsuot.

      salamat sa pagbasa. sa totoo lang napansin ko masyadong mahaba sya. pero hindi ko mabawasan kase ayaw kong may mamiss ako.

      salamat bon, rock n’ roll!

  3. uy, paborito ko ang puto at kutsinta ha. hehe.

    happy birthday to you and to this blog! happy valentines day! happy national arts month! happy anniversary to artist club! good day! good evening! hehe, daming batian portion!

  4. Huwaw… may nagbalik ala-ala rin sakin. Si “manong kusinta” kung tawagin ko sya, madalas sya dumadaan sa building ng office namin dati pero madalas ko rin sya habulin…. kailangan ko pa tawagan yung guard namin sa (1st floor) para maabutan sya. Gang naging madalas na nga na sa twing dadaan si “manong kutsinta” mag call sa office si “manong guard” ask lang kung bibili daw ba ako kutsinta. Astig diba… instant friendship agad, si “manong kutsinta” at si “manong guard”. Nuon, di daw nakakaakyat si “manong kutsinta” sa building na yun, pero since nung naging friendship ko na si “manong guard” at “manong kutsinta” ayun… naging caller ko na si “manong guard” para ask kung bibili daw ba ako kutsinta… tas papaakyatin na nya sa office namin si manong kutsinta. Hays… namiss ko rin pala sila pati yung magpi-pinya na madalas ko rin bilan, dami rin silang kwento! Asan na nga rin kaya sila? Patuloy parin malamang sila sa paglaban sa buhay. Hayyss…

    • haha..naging close talaga kayo ni manong guard ha dahil kay manong kutsinta. hehe. minsan nga mga simpleng bagay lang yan. hindi napapansin pero maganda na kahit paano ay nagiging bahagi tayo ng pagsusumikap ng iba.🙂

  5. Ang magpuputo, magpuputa, magbabakal, maghihithit ng katol at goma- sila ang sining ko. Sila ang nagbibigay ng iba pang kulay sa puti at itim kong katauhan.

    Maligayang kaarawan sa may saltik na si Eli, maligayang araw ng mga puso.

    Happy Holidays na rin.

    Happy Blogversarry to you.

    Dahil diyan may nagtext. Si DannyBoy.

    • hehe..napaka lalim naman nyan j kulisap. hanga ako sa sining mo. malalim at naa-appreciate ang mga simpleng bagay. napapansin mo ang mga bagay na hindi napapansin ng iba.

      salamat sa iyo. o anong sabi sa text?

      • Sabi sa text, hindi na raw puto ang tinitinda niya. Lounge Singer na daw sia sa Malate, nakapag-aral, marami ng tattoo dahil artist na siya.

        Minsan tumitira naman siya ng goma, sinamahan ng katol at amoy ng kilikili.

        Huwag ka daw mag-alala bespren ka pa rin niya.

  6. ang ganda ng kwentong ito kuya eli….di mo talaga akalain na kahit sa mga simpleng tao lamang matatagpuan natin ang hiyas ng buhay…mapalad ka kasi may naging bespren (kahit di mo lam kung bakit) danny ka!…..

    …kahanga-hangang nilalang!!!!

    salamat ulit..at saka hapi valentine,s sa iyo bespren…sana nga magkita rin tayo muli hehehehe….

    • salamat kuya blu. oo tama ka. sa totoo lang madami tayong matututunan sa mga simpleng bagay. madami silang mensahe at kailangan lang ay ituon ang paningin natin sa kanila.

      haha..oo sana nga po kuya blu. hehe. salamat at maligayang araw ng mga puso at maligayang buwan ng sining sa iyo.

  7. kuya eli.. kakaguilty naman.. kasi ako ang nega ko sa mga nangyayari sakin..pero si danny di sya sumuko.. galing! Nakakainspire talaga si danny boy! minsan talaga may taong dadating at magbibigay inspirasyon satin. tulad nya.. kakabilib talaga! waAahh..

    salamat sa post na ito!🙂

  8. wow naman Mr. Eli ang ganda ng kwento mo… sa totoo lang sa bawat taong nakakasalamuha, nakakausap at nakakasama natin marami talaga tayong matutunan…

    ang daming special events sa kalendaryo mo… hmmmm…😀

  9. Bumabati na sila…eh mag-grit na rin ako ng advance Hapi Birthdey Eli!

    Ang ganda ng iyong kuwento…bigla ko ring naalala ang aking mga nakahulabilo sa aking simpleng buhay. Si Manong Magtataho…maliit pa ang mga anak ko-hanggang nagdalaga ay araw-araw na dumadaan, Ang batang magsasampagita…tuwing linggo pagka-misa ay dumadaan sa bahay, Si Manong Bote-Bakal…pasulpot-sulpot sa bahay…di ko na pinababayaran ang mga ibinibigay sa kanya, Si manong guard dun sa opis…masayang bumabati tuwing umaga…Si Manong Dyaryo…tuwing linggo ang deliver…at marami pang taong walang pangalan…pero nagbigay ng kaligayahan sa pagiging tunay na tao.

    Ingat & God Bless!

  10. gustu kong ma meet si Danny Boy Puto nayan! hehehe.. kuya eli, fevorit ko ang kutsinta, kapag umaga yan nalang lagi ang inaabangan ko sa bahay eh, ung poot,poot ng nagtitinda.. hehehe..🙂

  11. nakakalungkot… tinuring mung kaibigan, bespren, inaabangan palagi para maka bonding.. tapos sa isang iglap mawawala, matatapos ang bond. dapat kasi kuya eli nagpalitan kayo ng contacts para kahit ngayon tignan mo po may asawa ka na, baka sya meron na din, at least may communication pa rin kayo at magkumpare pa rin kayo ni kuya danny puto.

    tatay ko pala danny ang tawag sa kanya, danny boy, pero edgar pangalan nya. haha ang layo ano?

    ay yung message ko pala para sa blographics in the making pa kuya eli.
    yung best wishes muna. hahahaha

    at mag beberdey ka din ano? dalawa na kayong may bday sa pebrero. sino pa ba?
    para mailista ko. haha

    kuya eli kamusta ka na???
    ang dami ko ng namiss… hahaha

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s