sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan

(sa mga sinalanta ng bagyong ondoy)

siya ang alon na naghatid ng sanlaksang putik

at nagpabulwak sa dagat ng ating hinagpis,

pero hindi delubyo ang kanyang pangalan;

titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:

mga kalansay na bahay at gumuhong pader,

naghambalang na puno at poste ng kuryente,

nagkalat na damit, laruan, tabla, at yero,

nakabalandrang ref, kompyuter, at kotse;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

walang babala, dumating siyang rumaragasa,

lahat nang mahagip, nilingkis, walang pinili,

naghasik ng takot kahit saang sulok.

titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:

dinggin ang taghoy, masdan ang mga bangkay;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

tawagin natin siyang munting plastik

o latang ipinaanod natin sa tubig-kanal;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

tawagin natin siyang mall at subdibisyon

na kumamkam sa puwang na dapat niyang daluyan,

tawagin natin siyang basurang iniluluwa

ng lokal at dayuhang planta at pagawaan;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

tawagin natin siyang gubat na kinalbo

ng mga magtotrosong nasa senado at konggreso,

tawagin natin siyang bundok na hinalungkat

ng mga kompanyang may basbas ng batas;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha.

Siya ang yamang-bayang ibinubulsa

ng tiwali’t mandarambong na politiko;

kaya tawagin natin siyang kasakiman,

kaya tawagin natin siyang kapabayaan;

sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan

sinulat ni: Emmanuel V. Dumlao | ipinaskil na may pahintulot ng may akda.

source: http://acpfi.org/?page=news&action=details&categ=Literary&code01=LS09200049&CMonth=9&CYear=2009

.

.

Pag-uwi ko ng bahay kaninang hapon, nagbukas ako ng FB account (tamang adik lang) ko at nakita ko ang tulang ito ni kuya Eman. Natuwa naman daw ako dahil sa sapul na sapul nito ang puno’t dulo ng lahat kung bakit ganun katindi ang pinsalang dulot ng simpleng bagyong si ondoy. Si ondoy, hindi naman isang malakas na bagyo sa totoo lang pero heto’t katakot takot na problema ang idinulot sa atin.

Si kuya Eman ay isa ring kasapi ng Samahang Makasining (Artist Club) Inc.  Makikita n’yo ang iba pang sulat niya sa http://acpfi.org/

.

.

————————-

Maaari kayong mag-donate sa mga nasalanta ni ondoy sa pamamagitan ng SMS at G-Cash

SMS

text RED[space]AMOUNT  to 2899 (Globe) or 4483 (Smart)

G-CASH

text DONATE[space]AMOUNT[space]4-digit M-PIN[space]REDCROSS to 2882

Para sa iba pang kaalaman matungo lamang sa website ng Red Cross

http://www.redcross.org.ph/Site/PNRC/wtd.aspx

30 thoughts on “sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan

  1. Galiing ng construction phrases ng tula.

    Kuya Eli prayers lang ang pwede kong ibahagi. I’ll keep on praying na lahat ay maisaayos na sa normal.

  2. Astig ng tula, sana nga lang lahat tayo magkaroon ng responsibilidad na alagaan ang ating mga likas na yaman, plastic at lata, parang ang hirap na alisin sa sistema natin ang wag gumamit nyan, pati nga mga relief goods mga de-lata at sa plastic nakalagay.

    PRESENT kuya Eli…😉

  3. Isang naghuhumindig na pagsigaw na PANGALAGAAN ANG ATING KALIKASAN.

    Hoy tao, bakit ka pa naging tao kung hindi mo kayang magbahagi ng iyong pagkalinga at pagmamahal?

    Disiplina, inanod ka na rin ba?

    Makasarili, gaano ka ba kamakapangyarihan?

    Magtulungan tayo.

    • oo tama ka jan kaibigan. dapat na tayong magising..dapat na tayong magsimula sa pagsasaayos ng ating kalikasan. magtulungan tayo…ngayon na!

  4. ang ganda ng tula kuya ELi.
    ang galing ni Kuya Emman ano?

    nakakaawa talaga mga nasalanta.
    nakakalungkot.

    may mga nakita kong mga tao

    sa bubong, sa puno, sa loob ng kotse,
    may mga nag sspiderman sa kawad ng poste,

    huhuuhhu

  5. simple ang mga salita pero tumatagos sa buto. sana ay matagpuan ng mga readers mo ang tunay na kahalagahan ng ating kapaligiran sa tulang ito.

    ang aking pakikiramay sa mga naging biktima ni ondoy…

    • ….hhmmm..wala ako masabi. hehe sana hindi lang tayo..kundi lahat matuto na sa nangyari.

      ang bilis ng bakayasyon mo ah. nakabalik kana pala agad. asan na cocol8 ko? hehe

      • sandali lang talaga eli. hindi ko nga matatawag na bakasyon yun eh. parang nakitulog lang ako. hehehe!

        di mo ba natanggap yung sokoleyt na pasalubong ko? naku! baka natangay ni Ondoy😛

    • oo nga. si global warming na unti-unti nating nilikha.

      basura nila + basura ko + basura natin + pinutol kong kahoy
      + pinutol nilang kahoy + …… + = ondoy at marami pang iba kung hindi tayo kikilos

  6. Eksakto po ang mensahe ng tula. Salamat for sharing.

    Ang sa akin lang…Ang tao ang lumikha ng problema, Tao rin ang makakagawa ng solusyon sa problema na ito.

    Kilos Na…Now Na!

  7. Maganda ang pagkakahabi ng tulang yari.
    Mabuhay ka Kabayang Eli.
    Mainam na pinag-isipan ang lahat ng nilalaman.
    Angkop na angkop sa pangyayaring nagdaan.

    Maganda rin sa ating bansa Kaibigan.
    At may mga “junk shop” na matatagpuan.
    Binibili ang ibang mga basura.
    Upang di itapon sa mga kalsada.

    Sana ang hiling ko’y dinggin.
    Bagyong padaan ay tuluyan ng tumigil.
    Nang hindi madagdagan ang mga nasalanta.
    At tuluyang makaahon ang mga nasakuna.

  8. ang gNDA ng tula! TOTOONG totoo ang sinasabi.. tayo ang nagbigay buhay sa kanya, tayo ang nagpalakas at nagbigay karapatan upang maging isang dambuhala…

    hays..

    sana lang lahat tayo majkapagsimula. simula ng pagbabago para sa ikabubuti ng kapaligiran..

  9. hindi nga naman “dilubyo” ang kanyang pangalan…. sino nga ba ang tunay na dilubyo? ang mga politiko? ang mga illegal loggers? ang mga taong walang malasakit sa kalikasan? sino nga ba talaga ang dapat tawaging “Dilubyo”? O Diyos ko! ipag-adya mo po ang Inang Kalikasan sa mga tunay na “Dilubyo”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s