Masyado akong natutuwa sa libangan ko ngayon—ang pagdedesenyo ng mga damit na laro ng lahi (Larong pinoy, larong kalye, katutubong laro) ang tema. Wala lang, basta isang araw naisip ko lang gumawa at isuot ito.

Sa tuwing suot ko ang isa sa mga ginawa kong t-shirt, iba-iba ang reaction ng mga nakakapansin nito.

“Luksong baka… madalas naming laruin ng kapatid ko ‘yan nung mga bata pa kami.”

“Noon, kapag kabilugan ng buwan… lagi kaming nagpapatintero! Gabing-gabi na pero ang lalakas parin ng hiyawan namin.”

“Tumbang preso.. champion ako dyan! Hindi manalonalo ‘yong mga kalaro ko sa akin.”

“Minsan umiyak ako dahil kinutya ako ng mga kalaro ko. Ang panget daw ng ginawa kong trumpo kaya umuwi ako’t nagpagawa ng magandang trumpo kay tatay.”

“Tirador.. di ako lumalabas ng bahay nung bata ako nang walang nakasabit na tirador sa leeg ko.”.

“Wala ka bang design ng holen o kaya jackstone?”


Sa mga tulad kong lumaki sa probinsiya, siguro nga ang dami-daming kwentong nakadikit sa mga larong kinagisnan natin noon. Hindi naman kase maikakaila na ang mga larong ito ang minsa’y naging dahilan ng ating malalakas na tawanan… ang minsa’y nagpaiyak at nagturo sa atin kung paano makipagkapwa, kung paano tumanggap ng pagkatalo at kung paano ipagdiwang ang bawat panalo (sa totoong buhay).

Sa isang katulad ko  na ang nais ay maghatid ng mensahe sa pamamagitan ng mga gawang sining   ngunit walang pagkakataon para sa isang art exhibit… siguro nga isang mainam na alternatibong canvas ang mga t-shirt na ito.

laro ko noon, suot-suot ko ngayon